Nanganganib magkaroon ng malawakang blackout sa Mindanao pagsapit ng eleksyon.
Ibinabala ito ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP sa harap ng sunod-sunod na pagpapasabog ng mga tore ng National Grid sa Mindanao.
Ayon kay Cynthia Alabanza, Spokesperson ng NGCP, nitong nakaraang 2015, umabot sa 15 tore ng pinasabog ng mga armadong grupo.
Aminado si Alabanza na wala silang magawa para protektahan ang kanilang mga tore, kundi ang umapela sa mga lokal na pamahalaan at sa mamamayan na tumulong sa pagbabantay at pagbibigay ng proteksyon sa mga tore.
“Kilo-kilometro po yan, so hindi po natin mababantayan lahat, sabihin niyo nang maglagay po kayo ng isang pulis, isang sundalo kada tore, ano po ang magagawa niya? We have an appeal to the national government and the local government as well nga po talaga ang importante diyan ay yung community support, gusto po naming iparating sa kanila na meron po silang interes ng pag-guard sa pagbabantay sa mga linya namin kasi po yung serbisyo namin sa kanila ang naaantala.” Pahayag ni Alabanza.
Reserved energy
Inilagay na sa red alert ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP ang Mindanao Grid dahil sa mababang reserba ng kuryente.
Batay sa power outlook advisory ng NGCP ngayong araw, nananatiling manipis ang reserba ng kuryente sa Mindanao na aabot lamang sa 123 megawatts.
Ayon sa NGCP, nasa 1,578 megawatts ang kapasidad ng kuryente sa Mindanao samantalang nasa 1,455 megawatts ang system peak demand.
Nitong Lunes, umabot sa negative 86 megawatts ang pinakamababang reserba ng kuryente sa Agus 1 at Agus 2.
Ayon kay Cynthia Alabanza, Spokesperson ng NGCP, isa sa dahilan ng manipis na reserba ng kuryente sa Mindanao ay ang kabiguan nilang ayusin ang Tower 25 ng NGCP sa lalawigan ng Lanao.
“Hanggang ngayon ay hindi po namin maayos dahil hindi kami pinapapasok sa property, nakikiusap po sana kami na kung maaari po sana ay payagan kaming pumasok at ayusin ang tore, kasi ang naging effect niyang Tower 25 na yan, dalawa po sa mga powerplant sa Mindanao ang hindi po makapaglabas ng kuryente, so yung existing na deficiency o kakulangan sa kuryente ay lumalala po.” Dagdag ni Alabanza.
DOE
Samantala, tiniyak naman ng Department of Energy o DOE ang sapat na suplay ng kuryente sa Mindanao lalo na sa panahon ng eleksyon.
Ayon kay Energy Secretary Zenaida Monsada, maraming mga planta ng kuryente ang nakatakdang buksan sa mindanao kabilang dito ang Aboitiz Power Plant.
Gayunman, sinabi ni Monsada na kahit sapat ang suplay ng kuryente, maaari pa ring mangyari ang pinangangambahang blackout kung magpapatuloy ang mga pambobomba sa mga transmission lines.
“May sapat na suplay kasi ang eleksyon natin ay kailangan natin ng kuryente, counting kailangan ng kuryente, actually meron na tayong Task Force Halalan na ginawa, generators mukhang kailangan nating gamitin in some areas, but siguro itong pagbabantay ng mga tore at ofcourse, una yung pag-restore at pag-rehabilitate nung natumba na, kailangan matapos yan bago mag-halalan.” Paliwanang ni Monsada.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas | Ratsada Balita