Nabunyag ang di umano’y cyber espionage na ginagawa ng China sa Southeast Asia kabilang ang Pilipinas.
Ayon sa Fireeye Inc., isang cyber security group, ine-espiyahan ng Tsina sa pamamagitan ng internet ang computer systems ng mga pamahalaan sa Southeast Asia, military units, media institutions at mga mamamahayag.
Ayon kay Wias Issa, Senior Director ng Fireeye, ilang taon rin nilang pinag-aralan ang mga aktibidad ng isang advance threat group na APT 30.
Lumalabas na target ng APT 30 ang mga sensitibong mga impormasyon mula sa isang bansa na magbibigay ng political gain sa China.
Kumbinsido ang Fireeye na China ang nasa likod ng APT 30 dahil ang mga ginagamit nilang tools sa cyber espionage ay gawa sa China.
Sinabi ni issa na ang APT 30 ay pinondohan ng estado ng China kaya’t matagumpay nitong naisakatuparan ang kanilang plano sa nagdaang isang dekada.
Lumabas rin aniya sa kanilang imbestigasyon na Chinese language ang gamit sa keyboard na ginagamit sa pagkuha ng mga datos.
By Len Aguirre