Ikinakasa na ng mga grupo ng manggagawa ang malakihang kilos protesta sa darating na Mayo 1, Martes, Labor Day.
Ito’y para kalampagin at ipanawagan na rin kay Pangulong Rodrigo Duterte na tuparin nito ang kanyang ipinangako na tutuldukan ang usapin ng kontraktuwalisasyon sa bansa.
Nakatakdang magmartsa sa makasaysayang Don Chino Roces Bridge sa Mendiola, Maynila ang mga grupong KMU o Kilusang Mayo Uno, Nagkaisa Labor Coalition at iba pa.
Ngayong araw, tatapusin na ng KMU ang ginawa nilang effigy ni Pangulong Duterte gayundin ang mural na nagpapakita ng pagkakaisa ng mga manggagawa sa ibang sektor.
Isang pulong balitaan naman ang isasagawa ng mga labor groups bukas, Abril 30 para sa pagdideklara ng National Day of Protest na inaasahang dadaluhan ng mahigit isandaan at limampung libong (150,000) manggagawa sa buong bansa.
Kahapon, ibinabala ng grupong Partido ng Manggagawa kay Pangulong Duterte na asahan nang sasadsad pa ang net trust ratings nito kung hindi agad matutupad ang pangako nito na tatapusin ang problema ng bansa sa kontraktuwalisasyon.
—-