Inilarga ngayong araw ang malawakang kilos protesta ng mga transport group sa buong bansa kontra “Oplan Tanggal Bulok, Tanggal Usok” ng Inter-Agency Council for Traffic o I-ACT.
Nilinaw ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON President George San Mateo na hindi tigil pasada ang kanilang ilulunsad bagkus ay martsa upang ipakita ang kanilang pagtutol sa nasabing programa ng gobyerno.
Ayon kay San Mateo, lalahok sa nasabing rally ang mga drivers na apektado ng Oplan Tanggal Bulok, Tanggal Usok campaign sa Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Bicol Region, Cagayan de Oro, Davao at Baguio City.
Magsisimula ang protesta sa Welcome Rotonda, Quezon City patungong Mendiola, Maynila.
PISTON
Hindi ang grupong PISTON kundi ang gobyerno ang nagpaparalisa ng biyahe ng mga sasakyan.
Ayon kay PISTON President George San Mateo, tuloy-tuloy ang operasyon ng I-ACT para alisin sa kalsada ang mga sinasabi nitong bulok na sasakyan gayung hindi naman aniya kaya ng mga inilalargang saklolo nito para isakay ang mga pasahero.
Sinabi sa DWIZ ni San Mateo na sa pamamagitan nito ay gumagana na ang pagiging sales agent ng I-ACT.
“Ilang araw na ‘yan mula nang ma-stranded ang ating mga pasahero dahil sa operation ng I-ACT, aminado sila kaya nag-deploy sila ng mga sasakyan eh, ang problema hindi kayang saluhin ng mga sasakyan nila, manghuhuli sila para mapatakbo yung mga electric jeep, Euro 4, kitang-kita mo ang DOTr sales agent na sales agent.” Pahayag ni San Mateo
Kaugnay nito, nakaalerto na ang mga pulis Maynila sa protest rally ng grupong PISTON ngayong araw na ito bilang pagtutol sa ‘Tanggal Bulok, Tanggal Usok’ campaign ng gobyerno.
Naka-puwesto na ang mga tauhan ng Manila Police District o MPD sa Mendiola para matiyak na magiging payapa ang pagkilos ng grupo ni George San Mateo.
Bukod sa Metro Manila, may mga pagkilos din ang mga miyembro ng PISTON sa Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Bicol, Cagayan de Oro, Davao at Baguio City.
By Judith Larino / (Balitang Todong Lakas Interview)