Wala nang makapipigil pa sa ikinasang malawakang kilos protesta ng iba’t ibang grupo bukas, Setyembre 21, ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar.
Kasunod nito, nanawagan naman si Sr. Mary John Mananzan, Convenor ng Movement Against Tyranny sa mga estudyante at manggagawa na lumahok at manindigan kontra sa war on drugs, pagsikil sa demokrasya at pagbabalik ng diktadurya sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Magtitipun-tipon sa iba’t ibang panig ng Metro Manila ang iba’t ibang grupo at sabay-sabay na magmamartsa patungong Luneta kung saan doon gagawin ang malakihang programa.
Kaugnay nito, pinalawak pa ng Malacañang ang naunang deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa suspensyon ng klase at pasok sa mga tanggapan ng gobyerno.
Paglilinaw ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, saklaw lamang ng nasabing suspensyon ang klase sa mga pampublikong paaralan gayundin sa mga state colleges and universities (SUCs) gayundin ang pasok sa pambansa maging sa mga lokal na tanggapan.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella
‘Duterte ready to resign’
Nakahanda si Pangulong Rodrigo Duterte na bumaba sa puwesto kung pakiramdam niya ay wala nang tiwala sa kanya ang publiko.
Ito ang inihayag ng Pangulo sa gitna ng nakatakdang malawakang protesta ng mga kritiko at kalaban sa politika ng administrasyong Duterte sa Setyembre 21.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi siya kapit-tuko sa puwesto at sapat nang dahilan para makumbinsi siyang mag-resign kung makikita niyang mas marami ang Pilipino sa EDSA kumpara sa 16 na milyong bumoto sa kanya.
Gayunman iginiit ng Pangulo na dapat ay aprubado ng Kongreso at ng militar ang kanyang resignation.
Binigyang diin pa ni Pangulong Duterte na hindi niya pipigilan ang mga raliyista kung gugustuhin ng mga ito na magtagal sa EDSA kahit abutin pa ng tatlong araw hanggang sa isang buwan o higit pa.
Ulat ni Jopel Pelenio