Tiniyak ng isa sa mga convenor ng grupong Movement Against Tyranny na magiging mapayapa ang malawakang kilos protesta na isasagawa nila sa September 21 kasabay ng anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.
Sinabi ni ACT Partylist Representative Antonio Tinio na marami na ring malaking pagkilos na nagawa noon subalit naging mapayapa naman.
Ayon kay Tinio, nangangamba sila sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya magdadalawang-isip na gamitin ang kamay ng batas kapag nagkagulo sa kilos protesta na paraan nang pagpapa-kondisyon sa utak ng publiko.
Napatunayan na aniya nila ang taktikang ito ng administrasyon nang ideklara ang Martial Law sa Mindanao.
Inihayag ni Tinio na layon ng kanilang anti-government protest na ipaabot sa Duterte administration ang panawagang itigil na ang pagpatay kaugnay sa war on drugs ng Duterte administration.
—-