Posibleng magtungo sa kalsada ang mga senior citizens ng bansa para i-protesta ang pag-veto ng Pangulong Benigno Aquino III sa panukalang dagdagan ng P2,000 ang buwanang pensyon sa SSS.
Ayon kay Noli Villafuerte, isang senior citizen advocate, gagawa sila ng hakbang sa National Federation of Senior Citizens upang igiit sa Pangulong Aquino ang kahalagahan ng dagdag na pensyon para sa mga matatanda.
Tila nakaligtaan aniya ng pangulo na ang mga tatanggap ng dagdag na pensyon ay kalimitang may sakit nang matatanda na nangangailangan ng mas malaking pera para sa kanilang gamot.
“Sa gamot, yung P2,000 na yan napakalaking bagay sa senior citizen especially those who are sick, remember senior po yan, at 2 million yahn, ilan na ang uugod-ugod diyan, ilan ang nangangailangan ng medisina, and then barely could buy medicines na P1,200 po, di bale kung ang city ay nag-aallocate talaga ng free medicine, free vitamins.” Pahayag ni Villafuerte.
Override
Kaugnay nito, nanawagan sa kanyang mga kapwa mambabatas si Senior Citizens Partylist Representative Godofredo Arquiza na magka isang i-override ang pag-veto ng Pangulong Noynoy Aquino sa panukalang dagdagan ang pensyon ng SSS retirees.
Ayon kay Arquiza tila nalimutan ng pangulo na ang mga hindi niya pinagbigyang magkaroon ng dagdag na pensyon ay mga naghirap rin namang magbigay ng kontribusyon noong kanilang kabataan.
Masyadong kawawa aniya ang kalagayan ngayon ng mga dating manggagawa na ngayon ay tumatanggap lamang ng P1,200 pisong pensyon kada taon.
Colmenares
Nanawagan din si Congressman Neri Colmenares sa lahat ng senior citizens na kalampagin ang kanilang mga kongresista para i-override ang pag-veto ng Pangulong Noynoy Aquino sa panukalang dagdag sa mga nagpepensyon sa SSS o Social Security System.
Si Colmenares ang isa sa mga may-akda ng panukalang dagdagan ng P2,000 ang buwanang pensyon ng mga SSS retirees na vineto naman ng Pangulong Aquino.
Ayon kay Colmenares, overwhelming ang boto nang ipasa nila ang panukalang batas kaya’t talagang malaki ang posibilidad na ma-override ang veto ng pangulo, basta’t mabibigyan lamang ng kalayaan ang mga kapartido nito sa Kongreso.
Samantala, bukas rin si Colmenares sa panukala na gawing P1,000 ang dagdag sa pensyon sa SSS at huwag nang idaan ito sa batas.
Gayunman, iginiit ni Colmenares, kailangan pa rin ng batas para sa dagdag na pensyon.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Balitang Todong Lakas