Wala nang makapipigil sa malawakang rally ng mga grupong kontra war on drugs sa Huwebes, Setyembre 21.
Ayon kay Sister Mary John Mananzan, Convenor ng Movement Against Tyranny, magdeklara man ng holiday o hindi si Pangulong Rodrigo Duterte, umulan o umaraw ay ilalarga nila ang kanilang kilos protesta sa Luneta, Maynila.
Nanawagan naman si Mananzan sa publiko partikular sa mga estudyante at manggagawa na lumahok sa nabanggit na aktibidad.
Nais aniya nilang igiit sa gobyerno ang pagpapatigil sa extrajudicial killings at i-protesta ang nagbabadyang diktadurya.
Sisimulan ang aktibidad sa pamamagitan ng isang misa alas-2:00 ng hapon sa San Agustin Church bago magtungo sa Luneta, alas-4:00 naman ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi na sasabayan ng pagpapatunog ng mga kampana sa lahat ng simbahan.
Samantala, nakatakdang maglabas ang Malacañang ng isang memorandum circular na nagsususpinde sa pasok sa mga pampublikong paaralan sa lahat ng antas at pasok sa gobyerno sa buong bansa sa Huwebes, Setyembre 21.
—-