Hihingan ng tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga miyembro ng academe para maresolba ang kinahaharap na problema ng Philippine Military Academy (PMA) kaugnay ng maltreatment o hazing.
Ayon kay AFP chief of staff Lt. General Noel Clement, makabubuting magkaroon ng third party na tutulong sa kanila para maipatupad ang planong malawakang reporma sa PMA.
Kasunod na rin aniya ito ng pinakahuling insidente ng hazing na ikinasawi ng kadeteng si Darwin Dormitorio.
Una na ring nagpahayag ng pagnanais si bagong PMA Superintendent Rear Admiral Allan Cusi na baguhin ang nakasanayang kultura sa akademiya sa pamamagitan ng pagpapasaklolo sa Philippine Military Academy Alumni Association Incorporated. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)