Tuloy na tuloy na sa Setyembre 30 ang ikinakasang malawakang tigil pasada ng mga transport groups kontra sa planong pag-phaseout ng mga jeepney at UV express sa susunod na taon.
Ayon kay ACTO o Alliance of Concerned Transport Organization National President Efren De Luna, puro panlilinlang ang PUV modernization program ng pamahalaan na papatay aniya sa kabuhayan ng mga tsuper.
Iginiit ni De Luna, walang direktang mapautang ang mga ahensiya ng pamahalaan sa mga tsuper para makabili sila ng mga bagong sasakyan o jeep.
Ikinasasama din aniya ng loob ng mga tsuper ang atas ng DOTr at LTFRB na kanilang boluntaryong i-surrender ang hawak nilang mga prangkisa nang walang katiyakan kung maibabalik ito.
Pangungunahan ng ACTO, PISTON o Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide at Stop and Go ang nationwide transport strike.