Maagang nawalan ng suplay ng tubig ang ilang mga lugar na sineserbisyuhan ng Maynilad Water Corporation ngayong araw.
Alas-11:00 pa lamang kaninang umaga, wala nang tubig sa bahagi ng barangay Alabang, Buli, Cupang at Sucat sa Muntinlupa City at magtatagal ito hanggang alas-4:00 ng hapon sa Miyerkules.
Kanina namang ala-1:00 ng hapon, 200 barangay na sa Maynila gayundin sa mga lungsod ng Caloocan, Makati, Parañaque, Las Piñas at Pasay ang nawalan ng tubig na magtatagal hanggang alas-2:00 ng hapon sa Miyerkules.
Kabilang din sa mga apektado ng water interruption ng Maynilad ang mga bayan ng Rosario, Imus, Noveleta, Kawit, Bacoor at Cavite City sa lalawigan ng Cavite.
Tatagal ang rotating water interruption hanggang sa Martes ng susunod na linggo, Agosto 18.
Una nang inihayag ng Maynilad na ang pagsasagawa ng flood interceptor ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa bahagi ng Juan Luna sa Maynila.
Rasyon
Nilinaw ng Maynilad Water na bukas pa silang magsisimulang magrasyon ng tubig sa mga apektado ng kanilang water interruption.
Ayon kay Grace Laxa, Media Relations Officer at tagapagsalita ng Maynilad, dalawang linggo na silang nananawagan sa kanilang mga konsyumer na mag-imbak na ng kanilang suplay dahil sa mas bibigyan nila ng prayoridad ang mga matatagal na mawawalan ng tubig.
Tutulong din sa pagsusuplay ng tubig sa mga apektadong residente ang mga lokal na pamahalaan na nakasasakop sa kanila gayundin ang Bureau of Fire Protection at ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.
By Jaymark Dagala