Sinibak sa pwesto si Malay, Aklan Mayor Ciceron Cawaling matapos umanong mabigo itong ayusin ang suliranin sa kalinisan ng kapaligiran sa Boracay.
Inaprubahan ni Ombudsman Samuel Martires nitong Lunes ang dismissal order na lumabas mula sa Office of the Ombudsman.
Nakasaad sa dismissal order ni Cawaling ang charges of graft, gross neglect of duty, grave misconduct, conduct unbecoming of public officials at conduct prejudicial to the best interest of the service na nagbunga sa mga problemang pangkalikasan ng Boracay.
Magugunitang noong Hunyo 2018, naghain si Interior USec. Epimaco Densing sa Ombudsman ng administrative at criminal complaints laban sa labing pitong (17) opisyal sa probinsya ng Aklan kung saan kabilang nga rito si Cawaling.
Gayunman, maliban kay Cawaling at Jen Salsona na business licensing division head, ibinasura ang kaso laban sa iba pang opisyal dahil sa kakulangan ng ebidensya.