Kinondena ng mga grupo ng karapatang pantao at mga magsasaka maging ng Katolikong Simbahan ang nangyaring pagpatay sa labing apat na magsasaka sa Negros Oriental.
Kaugnay nito ay nanawagan ang Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) para sa isang malayang imbestigasyon makaraang igiit ng Philippine National Police (PNP) na ang mga naturang bilang ng mga nasawi ay mga komunistang rebelde na umano’y nanlaban nang maghain ng warrant of arrest ang mga otoridad.
Nanawagan din ang UMA sa kasalukuyang gobernador ng Negros Oriental na si Roel Degamo at sa mga malayang kinatawan na imbestigahan ang nangyaring pagpatay.
Samantala, agad namang umaksyon ang Commission on Human Rights (CHR) hinggil dito at nag-atas na imbestigahan ang tunay na nangyari sa likod ng naturang insidente.