Muling ipinagbunyi ng mga mangingisdang Filipino ang malaya nilang pagpasok sa Scarborough o Panatag Shoal.
Ayon sa mga mangingisada mula Infanta, Quezon at Zambales, hindi na sila binubugaw o pinalalayas ng mga Chinese vessel kumpara noong mga nakaraang taon na puwersahan silang pinaaalis.
Magugunitang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang kanyang pakikipag-usap kay Chinese President Xi Jinping na maaari nang pumalaot sa Bajo de Masinloc ang mga mangingisdang Pinoy.
Proper arrangements
Kinumpirma ng Chinese Foreign Ministry na pinayagan na ng kanilang pamahalaan ang mga Filipino na makapangisda sa pinag-aagawang Panatag o Scarborough Shoal na bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay Foreign Ministry Spokeswoman Hua Chunying, nagkaroon ng “proper arrangements” hinggil sa Panatag Shoal matapos bumisita sa Beijing si Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, nilinaw ni Hua na ipagpapatuloy ng China ang kanilang soberanya sa naturang lugar bilang Chinese territory.
Magugunitang ilang Chinese Coast Guard vessel ang namataan sa paligid ng Panatag Shoal o Bajo de Masinloc sa kabila ng pangingisda ng mga Pinoy.
By Drew Nacino