Pinagbigyan ng Paris Court of Appeals ang hirit ng Malaysia na “stay order” laban sa pagpapatupad ng isang French arbitration court ruling na nag-uutos sa Malaysian government na magbayad ng 14.9 billion dollars sa mga kaapo-apuhan ng Sultan ng Sulu.
Kaugnay ito sa nilagdaang kasunduan sa pagitan ni Sultan Jamalul Kiram II, kahuli-hulihang Sultan ng Sulu at isang British trading company noong 1878 para sa pagpaparenta sa Sabah.
Ipinunto ng French appellate court na maaaring malabag ang soberanya ng Malaysia sa oras na ipatupad ang desisyon ng arbitration court.
Ayon kay Malaysian law minister Wan Junaidi Tuanku Jaafar, naghahanda na rin silang isantabi muna ang pasya ng korte.
Inilabas ang stay order ilang araw matapos tangkain ng mga abogadong kumakatawan sa mga tagapagmana ng Sultan na bawiin ang dalawang assets ng Malaysian state oil firm Petronas sa Luxembourg.
Samantala, wala pang tugon ang British law firm na kumakatawan sa mga kaapu-apuhan ng Sultan.