Kinumpirma ng Malaysia na kabilang ang Malaysian terrorist na si Muhammad Joraimee Awang Raimee alyas Abu Nur sa mga namatay sa mahigit apat na buwang sagupaan sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ayon kay Malaysian Police Chief, Inspector-General Tan Sri Mohamad Fuzi Harun, nasawi si Raimee noong Setyembre 28, ang ikatlong Malaysian terrorist na namatay sa Marawi.
Gayunman, hindi idinetalye ni Harun kung nakilala ang bangkay ni Joraimee sa pamamagitan ng D.N.A. o narekober ang labi nito.
Napaulat anya noong October 1 na kabilang ang 42 anyos na si Joraimee sa 15 katao na namatay sa aerial bombings ng Armed Forces of the Philippines sa Bato Mosque na pinagtaguan ng mga miyembro ng ISIS-Maute.
Ang naturang Malaysian terrorist ang pinaka-pinagkakatiwalaang kanang kamay ng kapwa bandido at kababayang si Dr. Mahmud Ahmad habang nagtatago ito sa kagubatan ng Basilan kasama ang Abu Sayyaf Group.