Hindi patas at maling isisi sa mga guro ang napapabalitang mga ‘error’ at nakakalitong mga tanong sa self-learning modules na ipinamahagi ng Department of Education (DEPED) kasabay ng pagsisimula ng ‘blended learning’ sa bansa.
Ani Senadora Risa Hontiveros, pagmamadali na muling masimulan ang klase sa bansa ang nakikita niyang rason kung bakit marami ang mga ‘error’ sa naturang mga learning modules.
Pagsisiwalat pa ni Hontiveros, may mga regional offices na ang gumawa ng sarili nilang mga learning modules dahil hindi na kinaya ng punong tanggapan nito na makapaglabas ng standardized learning modules para sa buong bansa.
Kung kaya’t iginiit ni Senadora Hontiveros, na dapat bumuo ang kagawaran ng Technical Working Group (TWG) na binubuo ng mga eksperto para gumawa ng learning modules, nang sa ganun ay gumaan ang trabaho o workload ng mga guro.