Maliit lamang ang posibilidad na mahawa ang tao sa virus na nagmula sa manok sanhi ng bird flu.
Inihayag ito sa DWIZ ni Health Secretary Jean Paulyn Ubial makaraang magkaroon ng bird flu outbreak sa ilang poultry farm sa San Luis, Pampanga.
Ayon kay Ubial, hindi dapat na ikabahala ang bird flu dahil ligtas kainin ang mga manok na may bird flu basta matiyak lamang na naluto itong mabuti.
Ang iniiwasan lamang aniya ay kumalat pa ang virus sa ibang manok o kaya ay itik, pato at pugo.
Ang binabantayan lamang aniya ng DOH ay ang direct contact sa mga tinamaan ng bird flu partikular yaong mga nagtatrabaho sa farm.
Pagpatay sa lahat ng manok sa 2 barangay na apektado ng bird flu tanging paraan
Ang pagpatay sa lahat ng mga manok na kontaminado ng bird flu virus ang tanging paraan para hindi na kumalat sa ibang lugar at ibang poultry farm ang nabanggit na epidemic.
Ito ang inihayag sa DWIZ ni Health Secretary Jean Paulyn Ubial sa harap ng naapektuhang poultry farm sa dalawang barangay sa San Luis, Pampanga.
Ayon kay Ubial hindi pa nila matukoy kung saan nagmula ang virus na umatake sa mga manok at dino-document pa nila ang insidente sa Pampanga.
Hindin inaalis aniya ang posibilidad na nagmula sa mga migratory birds mula sa China ang bird flu virus na umatake sa mga manok sa ilang poulty farm sa Pampanga.