Kinondena ng grupong Migrante ang kakarampot na pondong inilalaan ng pamahalaan para tulungan ang mga Overseas Filipino Worker na may kinahaharap na problemang legal sa ibang bansa.
Sinasabing ito ang dahilan kung bakit sa halos 6,000 OFW na nakakulong sa ibayong dagat ay mahigit sa 200 lamang ang natulungan ng gobyerno noong 2014.
Sinabi ni Migrante Chairperson Connie Bragas-Regalado, hindi rin nasusunod ng pamahalaan ang paglalaan ng P100,000,000 legal assistance fund kada taon sa ilalim ng migrant worker’s act.
Sa katunayan, sinabi ni Regalado na walang pondong inilalaan ang malakanyang sa ilalim ng naturang programa sa 2016.
Giit ni Regalado, mayroon din silang nababalitaan na ginagamit umano ang naturang pondo sa mga bagay na wala namang kinalaman sa mga kasong kinahaharap ng mga bagong bayani.
By: Jelbert Perdez | Allan Francisco