Iminungkahi ni KABAYAN Party-list Congressman Ron Salo ang pagpapalabas ng maliliit na denominasyon ng “Marawi Reconstruction Bonds” para mahikayat ang mga middle-class at mga Overseas Filipino na mag-invest sa pamamagitan nito.
Reaksyon iyan ni Salo sa pahayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno sa plano ng gobyernong magpalabas ng bonds para makalikom ng pondo para sa maibangon muli ang Marawi City na iginupo ng mahigit limang buwang digmaan.
Nauna nang sinabihan ni Finance Secretary Carlos Dominguez and Bureau of Treasury sa posibilidad na magpalabas ng bonds na may kabuuang P30 bilyong halaga.
Tingin naman ni Salo, mas malaking halaga pa ang kakailanganin ng gobyerno dahil hindi lamang rekonstruksyon ng Marawi ang dapat isalang-alang kundi ang rehabilitasyon at seguridad ng buong rehiyong Mindanao.
“Nakakalula ang halagang kakailanganin para maitayo muli ang mga kalsada, tulay, eskwelahan, ospital, bahay-pamahalaan at iba pang pasilidad na nasira sa Marawi; masyadong malaki ito para kunin lahat sa national budget,” ani Salo, Assistant Majority Leader sa Kamara.
“Mainam na solusyon ang pagpapalabas ng ‘reconstruction bonds’ para madagdagan ang pondo sa rekonstruksyon. Ang hiling ko lang ay maglabas ang gobyerno ng bonds sa denominasyong abot-kaya ng di lamang ng mayayamang investor. Kailangang mabigyan din ng pagkakataon ang middle-class at OFWs na mag-ambag sa pagbangon muli ng Marawi,” mungkahi ni Salo.
Wala pang inilabas na detalye ang DBM o DoF hinggil sa “Marawi bonds.” Ang sabi lamang ni Diokno ay iaalok ito sa publiko sa darating na Enero 2018.