Mahilig ka bang tumagay?
Kung oo, kaya mo bang tumungga ng isang basong puno ng mga buhay na isda?
Ang tawag sa ganitong uri ng consumption ay odorigui na may literal na kahulugang “dancing while eating” dahil tila sumasayaw ang buhay na isda sa iyong bibig.
Noong panahon ng Edo period, madalas tamaan ng baha ang Fukuoka City sa Japan tuwing tagsibol. Nagsikap ang mga magsasaka rito na linisin ang kanilang lugar, at bilang pasasalamat, hinandugan sila ng kanilang feudal lord ng sake o Japanese rice wine. Ininom ng mga magsasaka ang sake sa tabi ng ilog, kung saan nakuha ang mga isdang nilunok nila nang buhay.
Dito nagsimula ang special tradition ng pag-inom sa isdang shiro-uo o ice gobies, isang maliit at transparent na isda.
Nagkakahalaga ng $60 o P3,300 ang kada cup ng ice gobies na tinatayang may lamang 200 live fish.
Mabusisi ang pagpili sa ice gobies para tiyaking fresh ito. Kadalasang mga batang isda ang inilalagay sa live fish drinks dahil naniniwala silang kung bata pa, hindi pa fully developed ang katawan nito kaya wala pang bacteria.
Pagdating naman sa lasa, mayroon itong pale sweetness na may kaunting pagkapait. Crunchy naman ang tinik nito.
Kaya kung may pagkakataon, susubukan mo bang uminom ng ice gobies?