Tiniyak ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na malinaw ang tungkulin ng kaniyang foreign policy lalo na pagdating sa usapin ng West Philippine Sea (WPS).
Sa ginanap na SMNI 2022 Presidential Debate, tinanong ni UP Prof. Clarita Carlos ang tungkol sa posisyon ni Marcos sa Quad o Quadrilateral Security Dialogue sa pagitan ng mga bansang Amerika, India, Japan at Australia hinggil sa lumalakas na economic at military power ng bansang China.
Ayon kay Marcos, dapat linawin ng pamahalaan kung ano ang magiging advantage ng bansa sa mga ilalahad na kasunduan.
Pero igiinit ng presidential candidate na kailangan nating lumikha ng sarili nating polisiya.
Inihayag ni Marcos na bukas siya sa anumang uri ng diyalogo hinggil sa usapin ng ‘foreign powers’ pero nakadepende aniya ito sa magiging laman ng kasunduan.
Maliban dito, mahalaga rin daw ang pakikipagrelasyon sa Amerika at sa iba pang bansa kaya’t hindi niya ibabasura ang Mutual Defense Treaty.
Pero nilinaw ng Partido Federal ng Pilipinas standard bearer na hindi niya isusuko ang kahit isang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas sa mga bansang umaangkin dito lalo na sa China, subalit patuloy ang pakikipagtulungan nila sa mga ito para sa pambansang interes.
Samantala, tiniyak din niya at hihingi siya ng tulong sa ASEAN at UN dahil multilateral approach ang nakikita niyang isang paraan sa pakikipag-usap sa China.
Sinabi pa ni Marcos na napakahalagang maipaglaban at maibalik ang karapatan ng lahat na makapangisda sa mga karagatang nasa teritoryo ng bansa.