Iimbestigahan na ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM ang insidente sa Subic, Zambales kung saan ilang hospital personnel ang nagpositibo sa COVID-19 pero nag-negatibo matapos ang tatlong araw.
Ito ang kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque matapos igiit ni Deputy Speaker at Sagip Party-List Rep. Rodante Marcoleta sa congressional inquiry sa kontrobersyal na pandemic funds.
Ayon kay Duque, nakarating na sa kanya ang reklamo ng isang complainant na hindi muna niya pinangalanan.
Binubusisi na anya ito ng lab network na pinamumunuan ni Assistant Secretary Nestor Santiago na nag-utos na magsagawa ng evaluation o assessment.
Batay sa imbestigasyon, 49 na hospital staff ang nagpositibo sa COVID- 19 noong Setyembre 3 base sa isinagawang testing ng Philippine Red Cross sa Subic pero sa ibang laboratory, 44 ang nagnegatibo.
Pawang bakunado na ang mga ito at dahil may duda sa resulta ng unang test ay nagpa-retest sila noong Setyembre 6 o tatlong araw matapos magpositibo sa COVID-19 test ng red cross. —sa panulat ni Drew Nacino