Muling ibinabala ng mga clean energy advocates na mahigpit na binabantayan ng mga consumers ang Competitive Selection Process (CSP) para matiyak na magiging abot-kaya ang bayarin sa kanilang nakokonsumong elektrisidad.
Ginawa ng Power for People Coalition (P4P) ang pahayag kasunod nang pagpapalabas ng Meralco ng mga bagong ‘terms of reference’ (TOR) para sa mga bids ng kanilang 1,200 megawatts power requirement.
Ayon kay P4P convenor Gerry Arances, ‘welcome’ naman sa kanila ang mga pagbabago na ginawa ng power company sa kanilang TOR sa kanilang ikalawang mga ‘bids’ matapos maudyukan ng Department of Energy (DOE).
Subalit hindi umano nila nalilimutan kung gaano ang paghahangad ng Meralco na ipapasan sa kanilang mga kustomer ang mahal at maruming kuryente mula sa ‘coal’ o karbon.
Ayon sa grupo, sa pagtatapos ng 2019 ay naitala sa sa Luzon grid ang may pinakamaraming red at yellow alerts dahil na rin sa karamihan sa pinagkukunan ng elektrisidad ay mula sa coal power plants na aabutin pa umano ng ilang araw bago maibalik ang operasyon kapag nagkaroon ng problema.
Kasabay nito, hinamon ng grupo ang Meralco na gawing New Year’s resolution ang pagbibigay at pagtitiyak na bukod sa abot-kayang halaga ay ligtas sa kalusugan at kalikasan ang kanilang power requirements.