Patuloy na umaapela ng tubig si Surigao del Norte Vice Governor Carlos Egay para sa mga naging biktima ng magnitude 6.7 na lindol sa lalawigan.
Sa panayam ng programang “Ratsada Balita”, sinabi ni Egay na nakausap na niya ang General Manager ng water district sa kanyang nasasakupan kung saan sinabi nito sa kanya na dalawampung (20) porsyento pa lamang ng water supply ang naibabalik.
Binigyang-diin ni Egay na higit na kailangan ngayon ng mga residente ay inuming tubig.
Nangako naman aniya ang Philippine Red Cross na magpapadala ng filtration tank.
“All over the city po kaya ang ginawa ng water district parang nagro-rotate sa areas na binibigyan ng supply, sa ngayon meron naman tayong tulong na nakuha from fire trucks coming from mining companies, meron din sa Bureau of Fire at sa fire brigade.” Pahayag ni Egay
Sinabi rin ng bise gobernador na nangangailangan sila ng construction materials para sa mga residenteng nawalan ng tirahan.
“Kailangan namin dito ng tulong lalo na ang mga construction material po sa mga naapektuhan na mga kababayan natin, yung ibang bahat kasi totally damaged.” Dagdag ni Egay.
Samantala sa panayam naman ng “Balitang Todong Lakas” kay Ninoy Castro, Director ng Disaster Management Bureau ng DSWD, sinabi nitong tuluy-tuloy ang relief operations sa quake hit areas sa Surigao.
Ani Castro dinagdagan nila ng mga ready to eat food packs ang mga ipinamimigay sa mga biktima ng lindol.
“Patuloy po ang ating response clusters kasama ang DOH, Red Cross at AFP. Nakikipag-ugnayan na rin tayo sa DOH na hindi na mamigay ng noodles, high in sodium ito eh.” Ani Castro
Idinagdag ni Castro na magpapadala na rin sila ng water filtration system para masigurong malinis ang inuming tubig sa lugar at mga family tent para pansamantalang tuluyan ng mga nasiraan ng bahay.
“Ito ay made of cloth, it’s really intended for temporary emergency housing lalo na we are expecting more aftershocks, according to PHIVOLCS natural yan.” Pahayag ni Castro
By Meann Tanbio | Aiza Rendon | with interviews from Balitang Todong Lakas and Ratsada Balita