Eksaktong tatlong taon ngayong araw nang maganap ang isa sa mga itinuturing na pinakamadugong engkwentro sa kasaysayan ng bansa.
Ito ay sa pagitan ng mga alagad ng batas at mga armadong grupo sa Maguindanao.
Enero 25, Linggo, taong 2015, nang pasukin ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) ang isang barangay sa Mamasapano, Maguindanao na pinamumugaran ng mga guerilla.
Layon ng ‘Oplan Exodus’ ng pamahalaan na madakip ang dalawang bomb experts na sina Malaysian terrorist Zulkifri Abdhir alyas “Marwan” at Abdul Basit Usman.
Sa araw din na ito, napatay ng mga pulis si Marwan subalit dahil nakipagbarilan pa ito ay naalerto ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front o MILF militants sa lugar.
Sapagkat wala nang oras para dalhin ang bangkay ni Marwan, nagpasya ang SAF members na putulin ang daliri nito at kuhanan ito ng larawan.
Apatnapu’t apat (44) na magigiting na SAF troopers ang nasawi sa madugong engkwentro sa mga miyembro ng MILF at BIFF na tumagal ng 10 oras, habang 19 naman sa panig ng kalaban ang napatay at ilang sibilyan din ang nadamay.
Humupa lamang ang putukan sa magkabilang panig gamit ang matataas na uri ng armas nang dumating ang ceasefire committee at International Monitoring Team.
Base sa mga litrato, karumaldumal ang ginawang pagpaslang ng mga MILF at BIFF sa mga magigiting na SAF commandos.
Pinagbababaril sa mukha at pinutol ang mga paa at hinubaran ang mga ito na nagpalakas ng anggulong massacre ang nangyari.
Nagturuan ang mga opisyal ng PNP at AFP kung sino nga ba ang dapat sisihin sa pagkamatay ng 44 na SAF na brutal na pinaslang ng MILF.
Umani ng batikos ang militar dahil sa hindi agad nakapagpadala ng reinforcement sa Special Action Force.
Inamin ng militar na nahirapan silang rumesponde dahil wala diumano silang contact sa PNP SAF at dahil walang naging pakikipag-ugnayan sa kanilang puwersa sa Mindanao kaugnay sa ikakasang operasyon.
Ayon sa mga opisyal, nagawang mag-mobilisa ng AFP at magpadala ng reinforcement pero hindi alam ng mga ito kung saan pupunta dahil sa kawalan ng koordinasyon ng SAF.
Anila, huli na ng makipag-koordinasyon ang mga opisyal ng SAF sa AFP.
Sa pahayag naman noon ng sinibak na SAF Commander na si Director General Getulio Napeñas sinabi nitong mayroong lead coordinates ang SAF sa mga opisyal ng militar partikular na sa Army 6th Infantry Division para magpadala ng reinforcements.
Pinabulaanan din ni Napeñas na tumanggi ang 300 SAF Company standby forces na sumama sa nagrespondeng army units para tulungan ang 55th SAF Company na na-corner ng MILF.
Agad namang dumipensa ang pamunuan ng MILF at sinabing misencounter ang nangyari at hindi ambush.
Anila naiwasan sana ang madugong engkwentro kung may naging koordinasyon ang SAF sa MILF.
Dahil sa pangyayari, sumiklab ang galit ng publiko at tumindi ang panawagang itigil ang ikinakasa noong usapang pangkapayaan sa MILF.
Pebrero 4, 2015— nang kumpirmahin ng Federal Bureau of Investigation o FBI sa PNP na si Marwan ang napatay ng SAF matapos tumugma ang DNA sample sa kapatid nito na nakakulong sa Estados Unidos.
Pebrero 9, 2015— Sinimulan ng Senado ang pagdinig hinggil sa madugong bakbakan sa Mamasapano sa pangunguna ng chairman ng Senate Committee on Local Government na si dating senador Bongbong Marcos. Nagpahayag din ng pagkabahala ang mga senador hinggil sa noo’y nagpapatuloy na deliberasyon sa Bangsamoro Basic Law o BBL dahil sa trahedyang nangyari.
Marso 12, 2015— Isinumite ng binuong Board of Inquiry ng PNP ang ulat ng imbestigasyon kung saan ay lumabas ang panghihimasok ng noo’y suspendidong hepe ng pambansang pulisya na si Alan Purisima at ang pag-bypass sa PNP chain of command ng noo’y Pangulong Noynoy Aquino.
Hulyo 22, 2015— Inaprubahan ng Ombudsman ang preliminary investigation kay dating PNP Chief Purisima at sa napatalsik na hepe ng SAF na si Getulio Napeñas.
Setyembre 22, 2015— Nagsampa ng kaso ang National Bureau of Investigation at National Prosecution Service laban sa 90 katao na sangkot sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao.
Kabilang sa mga kinasuhan ay ilang kumandante ng Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Nobyembre 27, 2015—Sinimulan ng Department of Justice o DOJ ang sariling imbestigasyon nito.
Hulyo 15, 2016— Ilang kaanak ng SAF 44 ang nagsampa ng kaso laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino.
Sinamahan ng grupong Volunteers Against Crime and Corruption o VACC ang mga kamag-anak ng mga nasawing pulis na ihain sa tanggapan ng Ombudsman ang ikalawang reklamong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide.
Kapwa-akusado ng dating Pangulo ang mga nasibak na hepe ng pulisya na si General Alan Purisima at SAF Commander Getulio Napeñas.
January 23, 2017— Kinasuhan na ng Office of the Ombudsman sina Alan Purisima at Getulio Napeñas kaugnay sa Mamasapano massacre noong January 2015.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, kasong usurpation of authority or official functions at violation ng Section 3-A ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang kahaharapin nina Purisima at Napeñas.
November 9, 2017—Naisampa ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang kaso laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay sa madugong Mamasapano massacre na naganap noong Enero, 2015.
Magkahiwalay na kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at paglabag sa Article 177 ng Revised Penal Code o Usurpation of Official Functions ang isinampa laban kay Aquino.
Sa kasalukuyan ay ipinagpaliban muna ng Sandiganbayan ang arraignment kay dating Pangulong Aquino para bigyang-daan ang pagdinig sa kanyang inihaing motion to quash noong Enero 4.
Batay sa rules of proceedings, kailangang resolbahin muna ng hukuman ang nakabinbing mosyon at petisyon bago basahan ng sakdal ang akusado.
“Hindi pa rin kami makapaniwala hanggang ngayon.”
Ito ang naging emosyonal na sagot ni Ginoong Rico Erana, ama ni Police Senior Inspector John Gary Erana, isa sa SAF 44 na nasawi sa madugong Mamasapano encounter.
Ayon kay Ginoong Erana sariwa pa rin ang sakit ng pagkawala ng kanilang anak kahit tatlong taon na ang nakalilipas.
“Parang hindi pa rin kami makapaniwala kasi parang buhay pa rin ang mga ala-ala ng anak ko, hindi pa rin ako makapaniwala na ganun ang nangyari sa kanya, masakit ang nangyari sa kanya, alam ko, na kung na-rescue lang sana sila ng mga sundalo at inutusan ni dating Pangulong Aquino ang mga sundalo na i-rescue sila, sana buhay ang anak ko, kasi alas-3:00 ng hapon pa namatay ang anak ko, isa siya sa huling namatay dahil nag-surrender yun. Hindi natin mawawala yung sama ng loob kasi kung hindi niya pinabayaan ang mga SAF sana buhay pa yung iba, marami pang nabubuhay sa kanila.”
Kasabay nito ay sinabi ni Mang Rico na hindi sila kuntento sa itinatakbo ng kaso ng SAF 44 dahil napakabagal aniya ng pagkamit nila ng hustisya.
“Sigurado ako kahit matapos na ang termino ni Presidente Duterte talagang hindi pa matatapos ang kasong ito, wala pang judgement na ma-render sa korte. Umuusad ang kaso pero mabagal talaga, kasi sa ngayon hindi pa na-arraign ang kaso dahil may pending motion pa si dating Pangulong Aquino, nasa Supreme Court na yun, paano uusad kung hindi pa maresolba sa Supreme Court ang hiling niya?”
Gayunman kahit hindi pa abot kamay ang hustisya sa ngayon ay tiniyak ni Mang Rico na hindi titigil ang kanilang pamilya at hindi mawawalan ng pag-asa para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang magiting na anak.
MGA BENEPISYO NATANGGAP NA BA?
Nang kumustahin namin si Mang Rico kung naibigay na ba sa kanila ang mga benepisyong ipinangako ng gobyerno para sa mga pamilya ng nasawing SAF 44, ito ang kanyang naging sagot:
“May mga naibigay naman pero meron ding hindi, halimbawa yung survivor pension ng anak ko sa National Police Commission (NAPOLCOM), bawal daw eh. Ang sabi ng NAPOLCOM sa mga may asawa lang daw yun ibinibigay at hindi sa mga binatang SAF na nasawi.”
Ayon kay Mang Rico tila hindi natupad ang hiling nila noon nang makipag-usap sila sa dating Pangulong Noynoy Aquino na ipagkaloob sa kanila bilang mga naulilang magulang ang sana’y pension ni Senior Inspector Gary Erana.
“Napag-usapan na yan noon sa Crame nang magpunta si dating Pangulong Aquino ang sabi niya tutulungan kami, ipapa-review niya kay dating Justice Secretary Leila De Lima ang batas para naman maamyenda pero wala namang nangyari, hanggang ngayon hindi kami nakatanggap, yung ibang may mga asawa na sila ang nakatanggap. Labing apat (14) ata sila na mga binata na hindi nakatanggap mula sa NAPOLCOM, wala namang nangyari eh.”
“Pagkamatay ng anak ko nagbigay ng requirements ang PNP at nakalagay doon na tatanggap kami ng pension sa NAPOLCOM, pero hindi pala.”
“Pero yung sa PNP mismo meron, yung 50 percent ng kanilang basic salary, yan ang tinatanggap namin, life time ito, hanggang nabubuhay po kami.”
Pagbabahagi ng Ginoong Erana tila nakalimutan na rin ang kabuuan ng pondong ilalaan sana para sa pangkabuhayan ng mga pamilya ng SAF 44.
“Ang sabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noon bibigyan kami ng pondo para sa livelihood, tapos nag-partial sila ng 70 percent, pero hanggang ngayon yung remaining, tatlong taon na wala nang ibinigay.”
“Pera po ito para sa pangkabuhayan, nag-partial sila ng P200,000 para sa mga livelihood program sa mga pamilya ng SAF 44, nung nag-follow up kami ang sinasabi pinoproseso na ang mga papel, nawala na lang si Secretary Taguiwalo ay wala na rin.”
Hirap din ang pamilya Erana na i-follow up ang dapat sana’y tulong pinansiyal para sa pag-aaral ng kanyang mga anak.
Ang tanong ni Mang Rico ay kung bakit tila nagtatagal at pahirapan ang pagkuha nila sa mga benepisyong inilaan na sa kanila.
“Mahirap kasi, yung dalawa kong anak nag-aaral sa kolehiyo, naka-program na sila na every semester tatanggap sila ng assistance pero nakatapos na yung anak kong isa ni tuition hindi naman ako nakakuha, nung i-follow up namin sa 888 inaksyunan nila, nabigyan ng partial yung nasa San Beda kong anak na nag-aaral ng abogasya equivalent to 1 year, 3rd year na siya ngayon yung 2 years niyang educational assistance hindi niya na natanggap, yung isa kong anak na nakatapos na sa pag-aaral pero kahit piso wala akong natanggap, nahirapan kaming mag-follow up walang nangyayari.”
“Bakit natin pipilitin kung ayaw ibigay, dapat sana dahil tinaguriang bayani ang mga anak namin ay dapat binibigyan sana kami, hindi lang kami pati yung iba pang kasamahan ng anak ko na nasawi.”
“Hinihingi nila ang requirements, mga papers, ibinigay naman ng anak ko, sabi nila ie-endorse sa central office ng NAPOLCOM pero wala namang nangyari.”
“Marami namang naibigay si dating Pangulong Aquino sa educational assistance sa mga miyembro ng pamilya, sa pag-aaral ng mga anak at mga kapatid ng nasawing SAF, yung pera mga almost P19 million ata ‘yun na pondo para sa pag-aaral nila. Appropriations na yan eh, pinirmahan na ng Presidente, at nasa kamay na ng NAPOLCOM ang pera, naka-programa na yan eh. Every year P60,000 dapat yun sa loob ng apat na taon umaabot ng P240,000.”
Ayon kay Mang Rico higit sa tulong pinansyal ay mas matindi ang kanilang panawagan para sa mabilis na pagbibigay hustisya sa pagkamatay ng SAF 44.
NANGUNGULILANG AMA
Pagbabahagi ni Mang Rico, si Police Senior Inspector John Gary Erana ay isang napakabait at matulunging anak.
“Masayahin siya, kilalang-kilala siya sa aming bayan, iniidolo siya ng mga kabataan kahit noong nag-aaral pa siya, napakabait ng batang yun, tahimik, maalalahanin sa mga magulang, kahit nga noong nasa academy na siya, ibinibigay niya sa amin ang mga allowances niya, marami din siyang pinag-aral na mga ka-miyembro niya sa Sangguniang Kabataan kasi naging SK President siya sa bayan namin, maraming nakapagtapos na siya ang nagpa-aral, tinulungan niya, siya ang nagbayad ng tuition fee, yung sahod niya sa pagiging municipal councilor ginugugol niya sa kanyang mga kaibigan, siya ang nagbigay ng allowance ng tuition fee.”
“Kaya ang mga kasamahan niya nanghinayang talaga sa pagkawala niya, may iba na mga teacher na, pulis na, sundalo, marami talaga siyang natulungan.”
Ayon kay Mang Rico hindi niya malilimutan nang huli niyang maka-usap at makita ang anak bago ito sumabak sa Mamasapano operation.
“Karamihan sa kanyang operation ako lang ang nakakaalam, ayaw niyang ipaalam sa kanyang ina dahil baka mag-alala lang, kaya ako talaga ang kanyang tinatawagan, nakausap ko pa siya sa telepono at nagkita pa kami bago yung operation nila. Prior ng operation tumatawag siya sa akin, January 23 na papunta na sila sa Mamasapano. Siya yung commanding officer ng 55th na nasawi lahat doon sa Mamasapano.”
Nang tanungin kung ano ang mensahe sa yumaong anak, buong pagmamahal na sinabi ni Mang Rico na…
“Sana makamtam mo ang hustisya kasi hangad namin ang justice para sayo, para sa mga kasamahan mo.”
Hindi sana mabaon sa hukay ang kabayanihang ipinamalas ng tinaguriang SAF 44 heroes…at kasabay ng pag-alala sa ikatlong anibersaryo ng kanilang pagbubuwis ng buhay para sa bayan ngayon araw, ay ang hangarin naming makamit ang hustisya para sa kanila at kanilang mga pamilya sa lalong madaling panahon.
Kami po ay patuloy na sumasaludo sa inyo!
By Aiza Rendon
Contributors: Ira Y. Cruz / DWIZ Social Media Team
—-