Tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na bunga ng kasakiman ang madugong Mamasapano incident kung saan 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) ang nasawi, Enero ng nakaraang taon.
Sa harap ng mga miyembro ng 1st Infantry Division ng Philippine Army sa Zamboanga del Sur, sinabi ng Pangulo na ang pagkamatay ng 44 na SAF members ay resulta ng paghahabol sa 5 milyong dolyar na reward money para kay Zulkifli Bin Hir alias Marwan.
Nangako sa mga sundalo ang Pangulo na hindi mangyayari sa ilalim ng kanyang administrasyon ang kahalintulad na insidente sa Mamasapano.
Napeñas on reward money
Iginiit ni dating SAF Chief Getulio Napeñas na ang reward money para sa pagdakip ng mga kriminal ay napupunta sa informants at hindi ito dumadaan sa Special Action Force.
Tugon ito ni Napeñas sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na ang Mamasapano incident ay bunga ng paghahabol sa 5 milyong dolyar na reward money para sa ikadarakip ng teroristang si Zulkifli Bin Hir alias Marwan.
Binigyang diin ni Napeñas na ang dating Pangulong Benigno Aquino III ang namahala sa plano, paghahanda at execution ng operation kay Marwan.
Ang trabaho anya niya ang sumunod sa Pangulo at hindi ang magtanong kung ang motibo ba ng operasyon ay para makuha ang reward money.
By Len Aguirre