Nagpasya si Senador Grace Poe na i-reset ang pagdinig sa Mamasapano incident na nakatakda sana sa Enero 25.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, tagapagsalita ni Poe na sa halip sa nabanggit na petsa, ire-reset na lamang ang pagdinig dahil na rin sa conflict of schedule.
Idinagdag pa ni Gatchalian na maitatakda lamang ang pagdinig kapag maluwag na ang iskedyul ng mga resource persons mula sa PNP.
Una nang itinakda ang pagdinig sa January 25, eksaktong isang taon matapos ang naganap na engkwentro sa Mamasapano, Maguindano na ikinasawi ng 44 na miyembro ng PNP Special Action Force.
Subalit, ililipat na lamang ang petsa ng pagdinig upang bigyang daan ang anibersaryo ng pagkamatay ng tinaguriang SAF 44.
“Sinabi na po ni Senadora Grace Poe na hindi siya puwedeng mag-inhibit dahil lang kandidato po siya, trabaho po niya bilang Chairwoman ng committee na mag-precide at trabaho niya bilang senador na gampanan ang mga oversight functions ng senado, hindi porke’t kandidato siya ay hindi na siya magtatrabaho.” Ani Gatchalian.
Muling iginiit ni Gatchalian na hindi mag-i-inhibit si Poe dahil trabaho niya ito bilang chairman ng Senate Committee on Public Order.
“Tulad ng napaulat sa mga diyaryo dahil po sa mga schedule conflicts dahil nga anniversary po yun, meron pong mga naka-schedule na activities hinggil sa SAF 44 commemoration sa PNP, minabuti po ni Senadora Grace Poe na unahin ang mga activities na naka-schedule na sa PNP.” Pahayag ni Gatchalian.
By Meann Tanbio | Karambola