Dapat lang na buksang muli ang imbestigasyon sa insidente sa mamasapano na ikinasawi ng 44 na miyembro ng SAF o Special Action Force.
Ayon kay Ginoong Rico Erania, ama ni Senior Inspector Gary Erania, isa sa mga nasawi sa Mamasapano, tila nabalewala sa naunang imbestigasyon ang pagkamatay ng mga miyembro ng 84th Seaborne Company ng SAF, ang grupong umatake at nakapatay kay Zulkifli Bin Hir alias Marwan.
Ipinaliwanag ni Ginoong Erania na ang mga nakasuhan lamang ay ang hinihinalang nakapatay sa mga miyembro ng 55th SAF Company na nagsilbing blocking force sa operasyon laban kay Marwan.
Samantala, dalawang taon matapos ang Mamasapano clash, sinabi ni Ginoong Erania na hindi pa natatangap ang lahat ng pangakong ayuda sa kanila ng pamahalaan kabilang na ang tulong para sa edukasyon ng mga pinag-aaral ng mga napatay na miyembro ng SAF.
Hindi rin anya sila nakakuha ng sagot sa kahilingan nila sa Department of Justice (DOJ) noong panahon ni Senador Leila de Lima na repasuhin ang panuntunan na tanging ang mga may asawang SAF members lamang ang tatanggap ng pensyon.
By Len Aguirre | Ratsada Balita