Nakalulungkot ang sinapit ng mga ordinaryong manggagawa sa Lungsod ng Valenzuela matapos lamunin ng mala-impyernong sunog ang kanilang pinagtatrabahuan.
Sila itong mga empleyado ng Kentex Manufacturing, isang pagawaan ng tsinelas diyan sa Bgy. Ugong.
Walang mag-aakala maging ng mga kamag-anak ng mga nasawing obrero na ang lugar na kanilang pinagkukunan ng pambili ng kanilang makakain at kinabukasan ay siya pa lang mitsa ng malaking trahedya.
Mantakin niyo, dahil lamang sa isang iglap bunsod ng pagsabog ng kemikal na ginagamit sa paggawa ng tsinelas ay naglaho ang lahat, ang buhay ng higit kumulang 40 obrero at pangarap na rin ng lani-kanilang pamilya.
At kapag may ganitong pangyayari, hindi natin mai-alis ang pumukol ng tanong sa mga kinaukulan, sino ang may-sala rito?
Sa dami nang nagaganap na kahalintulad na insidente, madalas nababaon na lamang sa limot ang mga taong dapat managot dito sa trahedya.
Nariyan tayo na isa itong aksidente, pero pwede kasi itong maiwasan, lalo na ang pagsalba ng maraming buhay kung nasunod lamang ang mga tamang alituntunin kaugnay sa importanteng salita ang “KALIGTASAN”.
Ngunit lagi na lamang itong isinasantabi at hindi nabibigyan ng importansiya lalong-lalo na sa mga working area tulad nito isang pabrika na lapitin sa mga disgrasiya at peligro.
Alam natin na bago makapag-operate ang isang kompaniya, halimbawa isang warehouse o pabrika, ay dapat nasusunod ang mga pangunahing requirements.
Isa na rito ang pagtiyak ng mga anti-fire mechanism tulad ng sprinklers, extinguisher at ang mahalaga ang mga fire exits.
Kung ibabatay ang mga pahayag ng ilang nakaligtas na trabahador, lumalabas na iisa ang pasukan at lagusan, kaya hindi malayong maipit sa makapal na usok at apoy ang mga biktima.
Ngayon tila nagpapasahan ng sisi ang lokal na pamahalaan at ang Bureau of Fire Protection, dahil iginigiit ng LGU na hanggang building inspection lamang ang kanilang tungkulin particular ang katatagan o ang stability ng gusali.
At tila sa BFP ang sisi, dahil hindi umano nasuri mabuti ang mga kakailanganing rekisitos upang maging sapat at fire proof ang isang gusali.
Katunayan, taon-taon itong dapat nasusuri, pero sa puntong ito lumalabas na maaring hindi ito nadadalaw ng mga fire inspectors.
Hinihiling natin sa mga kinaukulan na masusi itong imbestigahan, at kung meron dito ang nagpabaya sa kanilang tungkulin, agad patawan ng parusa upang hindi masama sa libingan ang kawalan ng hustisya sa mga biktima!