Manatiling konektado sa ibang tao o socially connected habang nagso-social distancing.
Ito ang muling ipinaalala ng Department of Health (DOH) sa publiko upang maiwasan ang pagkakaroon ng tinatawag na “quarantine fatigue” sa gitna ng coronavirus pandemic.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, dahil sa ikinasang quarantine status sa iba’t ibang panig ng bansa ay nakakaranas ang mga tao ng social withdrawal o pag-iwas sa mga bagay na nakagawiang gawin bago ang lockdown.
Marami naman aniyang mga paraan na maaari nating gawin para suportahan ang isa’t isa lalo na ang mga kamag-anak kahit tayo ay magkakalayo o may distansya.
Ipinapayo rin ng DOH na tawagan ang mga mahal sa buhay, makipag-usap sa mga ito, gumawa ng recreational activities at hobbies tulad ng pagbe-bake at iba pang aktibidad upang makaiwas sa “quarantine fatigue”.
Batay sa datos DOH, umakyat na sa 3.6 milyon ang bilang ng mga Pilipino na nakakaranas ng ilang mental health issues dahil sa pandemya.