Sinusulong ngayon sa Kamara ang panukalang gawing mandatory ang pagbibigay ng mga kumpanya sa kanilang mga empleyado ng 14th month pay.
Ito’y sa gitna ng nagtataasan presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ayon kay Cebu City 2nd District Rep. Rodrigo Abellanosa, may akda ng nasabing panukala, panahon na para ipasa ang dagdag na kumpensasyon sa mga manggagawa lalo’t hindi na maaawat ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa ilalim ng House Bill 402, ibibigay ang 13th month pay ng Mayo o Hunyo upang makatulong lalo na sa mga magulang na nagpapaaral ng kanilang mga anak.
Sa Nobyembre o Disyembre naman dapat ibigay ang 14th month pay bilang paghahanda sa gastusin sa holiday season.
Employers group inalmahan ang panukalang mandatory 14th month pay
Umalma ang grupo ng mga employers sa panukalang gawing mandatory ang pagbibigay ng 14th month pay sa kanilang mga empleyado.
Ayon sa Employer’s Confederation of the Philippines, maaaring magresulta ng pagbabawas ng tao o pagsasara ng maliliit na negosyo ang nasabing panukala kung hindi ipapasa sa mga consumer ang dagdag na gastos para matugunan ang mandatory 14th month pay.
Batay sa datos ng Department of Labor and Employment – Bureau of Working Condition (DOLE-BWC), isa sa bawat sampung kumpaniya ang isinailalim sa inspeksyon nuong 2017 ang hindi nakapagbigay ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado na nakasaad sa batas.
Una rito, ipinahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III pagsusulong sa counter part bill para sa mandatory 14th month pay ng mga empleyado sa mga pribadong kumpaniya.