Makaraan ang ika-100 araw ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte, tinututukan ng Department of Health (DOH) ang health agenda ng administrasyon sa susunod na anim na taon.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Ubial, target ng Duterte administration na isailalim sa mandatory annual check-up ang 20 milyong pinakamahihirap na Pilipino sa buong bansa.
Paliwanag ni Ubial, nangunguna kasi sa listahan ng Pangulong Duterte ang health agenda na maging malusog at makaiwas sa sakit ang mga mamamayan.
Sinasabing ang listahan ng mga mahihirap na Pinoy ay magmumula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Maliban dito, target din umano ng pamahalaan na makamit ito sa susunod na 100 araw bilang pamasko na rin para sa ating mga mahihirap na kababayan.
Ayon kay Ubial, sa ngayon ay libreng check-up lamang muna ang iaalok ng DOH para sa mga mahihirap.
Aniya, kapag na-detect na may sakit ang isang mahirap na indibidwal, bibigyan ito ng gamot o sasagutin na ng pamahalaan ang pagpapagamot o pagpapa-opera kung kinakailangan.
By Jelbert Perdez