Isinusulong ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman Surigao del Norte Representative Ace Barbers ang pagsasailalim sa mandatory drug testing ng lahat ng halal na opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Barbers, ito ang paraan para mapatunayan ng mga senador, kongresista, gobernador, mayor at iba pang elected officials na hindi sila sangkot sa iligal na droga at dapat pagkatiwalaan ng publiko.
Dagdag ni Barbers, dapat din aniya isapubliko o i-anunsyo ang resulta ng mga drug tests at agad na tanggalin sa puwesto ang mga magpopositibo.
Kasabay nito, hinikayat ni Barbers ang liderato ng Kamara na gawin nang polisiya ang mandatory drug test sa lahat ng mambabatas lalo’t ilan aniya rito ay kabilang sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Magugunitang, 2008 nang ideklarang iligal ng Korte Suprema ang Section 36 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na nag-aatas sa mga national at local elective officials na sumailalim sa drug test.
—-