Naniniwala si House Committee on Dangerous Drugs Chairman at Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na hindi labag sa batas ang proposal ni P.D.E.A. Dir. Gen. Aaron Aquino na isailalim sa mandatory at surprise drug test ang mga Grade 4 students.
Ayon kay Barbers, bagaman walang nakasaad sa konstitusyon na magsagawa ng drug test sa mga mag-aaral na nasa Grade 4, nakapaloob naman sa batas ang ‘Doctrine of Parents Patriae’.
Sa ilalim ng naturang doktrina, responsibilidad ng estado na maging magulang sa mga kabataan na wala pa sa sapat na gulang maging sa mga kulang sa pag-iisip, incompetent, matatanda at may kapansanan.
Ang planong drug test sa mga kabataan na nasa Grade 4 ay kabilang sa responsibilidad at obligasyon ng estado na protektahan at pangalagaan ang mga kabataan kaya walang malalabag na anumang batas at karapatan.
Pag-aaralan din aniya ng kanyang komite ang mga batayan ng PDEA sa pagsasagawa ng drug test at kung dapat amyendahan ang Section 36 ng Paragraph C ng RA 9165 para isama na sa batas ang mandatory drug test sa mga elementary student.