Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang mandatory insurance coverage para sa mga construction workers.
Sa inihaing Senate Bill 821 o ang Construction Workers Insurance Act, oobligahin ang mga employer na mabigyan ng mandatory group personal accident insurance coverage ang mga manggagawa.
Dahil dito, gagawing P75,000 ang minimum insurance coverage para sa natural death; P100,000 para sa accidental death; P150,000 para sa mga nasawi habang nasa trabaho; P50,000 kung nawalan ng parehong kamay o parehong paa; P50,000 din kung nawalan ng isang kamay, isang paningin; at P50,000 kung nawalan ng isang paa at isang paningin.
Ang naturang panukala ay magsisimula sa unang araw ng pagtatrabaho ng mga construction workers hanggang sa makumpleto ang construction project o ang pagtatapos ng kontrata ng kanilang trabaho.
Dagdag pa ni Gatchalian, ang mga premium na babayaran sa insurance company ay magmumula sa employer at bawal itong ibawas sa sahod ng mga construction workers.
Bukod pa dito, dapat ding makatanggap ng patas at mga benepisyong medikal na may kaugnayan sa trabaho ang mga manggagawa.