Kinampihan ng Malacañang ang Department of Transportation (DOTr) sa harap ng kaliwa’t kanang batikos na inaabot ng ahensya bunsod ng isinusulong nito na gawing mandatory ang pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong transportasyon simula Agosto 15.
Sa isang virtual press conference, binigyang diin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ibinatay sa siyensiya ang naging desisyon ng DOTr bilang isa sa mga hakbang upang mapuksa ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Magugunitang nagpalabas ng isang memorandum circular ang DOTr noong Agosto 4 kung saan inaatasan nito ang lahat ng transportation sectors na obligahin ang kanilang mga pasahero na magsuot ng face shield habang bumibiyahe.