Tuloy ang mandatory repatriation sa 1,600 mga Pilipinong manggagawa sa Baghdad, Iraq na una ring nagpaghayag ng kagustuhang makabalik ng Pilipinas.
Alinsunod na rin ito sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte kay special envoy to the Middle East, Environment Secretary Roy Cimatu sa kabila naman ng bahagyang paghupa na rin ng tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.
Kasalukuyan nang nasa Doha Qatar si Cimatu para pangunahan ang sapilitang pagpapa-uwi sa mga Pilipinong manggagawa sa Iraq.
Samantala, nanawagan naman si Cimatu sa mga Pilipino sa Qatar na manatiling naka-alerto at mapagmatiyag bagama’t hindi pa kinakailangang ilikas ang mga ito.
Aniya, dapat maging handa ang mga Pilipino sa Qatar sa mga posibleng ipatupad na contingent measures ng pamahalaan lalo na’t may base militar ang Estados Unidos sa nabanggit na bansa.
Inaasahan namang magtutungo rin si Cimatu sa Kuwait kasama ang rapid response team ng Departments of Foreign Affairs at Labor and Employment.