Nagbabala ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na lalong dadami ang mga empleyadong mawawalan ng trabaho kapag iginiit ng pamahalaan ang mandatory swab testing sa mga manggagawa na sasagutin ng employers.
Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr., dapat alalahanin ng pamahalaan na 90% ng mga negosyo ang micro o maliliit na negosyo lamang.
Ang mga malalaki naman anyang kumpanya na libu-libo ang empleyado ay nanganganib na magtanggal na lamang ng empleyado dahil sa laki ng babalikatin nilang gastos sa swab testing.
Bawat swab testing ay nagkakahalaga ng P2,000 hanggang P4,000.
Hindi kaya ng mga maliliit ‘yan, lalo pang mawawalan ng trabaho ang mga ‘yan.” ani Ortiz-Luis.
Pinuna ni Ortiz ang kawalan ng transition mula sa quarantine hanggang sa buksan ang ekonomiya.
Napakalaki rin anya ng epekto ng kawalan ng pagkakakitaan sa hawaan na nangyayari sa loob ng tahanan.
Kaya naman ang gagawin para walang transmission, e, ‘wag nalang magbukas, ang problema, paano na ‘yung mga walang trabaho? Naghahawahan nalang sa bahay nila. Samantalang kung nandoon sa workplace, kahit papaano nalalaman mo kung, pagka-nagkaroon ng positive (case) doon, isasara mo [‘yung workplace], gagawa ka ng hakbang,” ani Ortiz-Luis. —sa panayam ng Ratsada Balita