Isasailalim sa lockdown ang Mandaue City Hall of Justice (HOJ) simula ngayong Lunes, ika-15 ng Hunyo.
Ito ay kasunod ng napaulat na pagpanaw umano ng isang prosecutor na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) nitong Sabado.
Ayon kay Mercedita Dadole-Ygnacio, executive judge ng Mandaue City Regional Trial Court, kasama sa naturang lockdown ang lahat ng korte na nakatalaga sa Shinebright Building sa Tipolo sa nabanggit na lungsod.
Nakatakda aniyang ipatupad ang lockdown hanggang sa ika-26 ng Hunyo.
Gayunman, ayon kay Ygnacio, magpapatuloy naman sa operasyon ang lahat ng mga Regional Trial Courts at Municipal Trial Courts sa mga bayan at maaaring maabot sa kanilang mga hotline o e-mail address sa kasagsagan ng lockdown.
Dagdag pa nito, magpapatuloy din aniya ang mga pagsasagawa ng mga pagdinig sa pamamagitan ng videoconferencing.