Tiniyak ng Malacañang sa publiko na uunahing mabigyan ng trabaho ang mga manggagawang Pilipino kaysa sa sinumang dayuhan sa Pilipinas.
Ito ang binigyang diin ng Malacañang matapos lumabas ang isang survey na nagsasabing ikinakabahala ng mga Pilipino ang pagtaas ng bilang ng mga Chinese nationals sa bansa.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang interes ng Pilipino at maging ang local labor force.
Aniya, may mga immigration at labor policies na makakasiguro na kailanman ay hindi maaaring unahin ang mga manggagawang banyaga kaysa sa mga Pilipino.
Una nang sinabi ni Panelo na duda sya sa naging resulta ng nabanggit na survey ng SWS dahil closed-ended na ang mga ‘questionnaire’ na sinagot ng mga respondents.