NAGING matagumpay ang isinagawang science-based mangrove conservation project ng isang telco o telecommunications company, kasama ang Zoological Society of London (ZSL) Philippines at isang local fisherfolk association sa Brgy. Pedada, Ajuy, Iloilo.
Nabatid na nasa 40 volunteers mula sa Globe, ZSL, at Brgy. Pedada Fisherfolk Association (BPFA) ang tumulong sa pagtatanim ng mahigit sa 800 seedlings ng bakawan (pagatpat) at avicennia marina (bungalon, apiapi, o miapi) sa 3,000 sqm coastal area ng Brgy. Pedada.
Ayon kay Yoly Crisanto, chief sustainability officer at SVP for corporate communications ng telco, ang mga seeds at seedlings na ito ay kinolekta mula sa kalapit na mother trees at pinalaganap sa nurseries ng komunidad.
“Especially in these times of global warming and sea level rise, mangroves are at the forefront of Climate Change adaptation (as coastal greenbelts that provide storm protection) and mitigation (as carbon sinks that capture carbon at 4 to 5 times the rate of other forests, including the tropical rainforest),” pahayag naman ni Dr. Jurgenne Primavera, chief mangrove scientific advisor ng ZSL.
Ang Globe at ZSL Phils. ay masusi ring nakikipag-ugnayan sa local barangay officials at fisherfolk organizations sa pagpapalawak ng pagtatanim sa mga katabing lugar sa Brgy. Luca, Ajuy, at maging sa Iloilo City Local Government Unit (LGU), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at United Architects of the Philippines-Bahandi para sa posibleng pagtatanim ng beach forest species, gayundin ang pangangalaga sa mga bakawan sa Molo Boulevard at Baluarte areas.
Ipinaliwanag din ni Louie Sebastian Miranda, Globe regional sales head, na ang programa ay masigasig na ipinatutupad ng mga regional teams na nakasasakop sa Iloilo City at Panay.