Puspusan na ang manhunt operations ng mga otoridad kay Fidel Sheldon Arcenas, ang pangunahing suspek sa pagpatay sa kanyang dating asawa na si Tania Camille Dee sa Angeles City, Pampanga.
Ayon kay Angeles City Police Director, Senior Supt. Eden Ugale, mismong ang ama ni Sheldon na si Fidel Arcenas ang nagsabi sa mga imbestigador na nawawala ang kanyang anak.
Napag-alaman namang under probation ang nakababatang Arcenas dahil sa kasong frustrated murder.
Nag-alok na si Angeles City Mayor Edgardo Pamintuan ng P200,000 reward para sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek.
Samantala, inamin ng isa pang suspek na si Angela Dychioco, girlfriend ni Sheldon, na mismong siya ang tumulong sa nakababatang Arcenas na dalhin ang bangkay ni Dee sa isang mababaw na hukay sa bakuran ng kanyang inang si Regina Dychioco.
CIDG
Hawak na ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang isa sa mga suspek sa pagpatay sa bank teller na si Tania Camille Dee.
Ayon kay Director Benjamin Magalong, Hepe ng CIDG, bagaman itinuturing na suspek, maaari namang makatulong sa kaso si Angela Dychioco, ang girlfriend ng dating asawa ni Dee na si Fidel Sheldon Arcenas.
Maaari aniyang maging testigo si Dychioco at maging susi upang mahanap si Arcenas at masampahan na ito ng mga kaso.
Nangangamba naman si Dychioco para sa kanyang kaligtasan matapos ituro si Sheldon na bumaril sa biktima sa Angeles, Pampanga.
Inihayag ni Magalong na magagamit ang naturang pahayag bilang supplemental evidence sa imbestigasyon ng CIDG.
By Drew Nacino