Nagsimula na ang Manhunt laban sa mga hindi sumukong ‘heinous crime’ convicts na napalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Kasunod na rin ito nang pagtatapos kagabi ng 15 days na ultimatum ng Pangulong Rodrigo Duterte para sumuko ang mga pugante ng GCTA.
Bumuo ng 106 na tracker teams ang PNP mula sa CIDG para arestuhin ang halos 200 pang pugante na hindi sumuko sa grace period.
Ayon kay PNP Spokesman Brigadier General Bernard Banac, bitbit ng mga ipinakalat na CIDG tracker teams ang revised list ng mga pugante at gagawin aniya nila ang lahat para muling maaresto ang mga ito batay na rin sa Standard Operating Procedure (SOP).
Isinasagawa nila aniya ang manhunt may reward man o wala subalit makakatulong ang pabuya para mahikayat ang mga posibleng informant laban sa mga convict na ayaw pang sumuko.
Hanggang bago matapos ang deadline kagabi, umaabot sa 1,717 ‘heinous crime’ convicts ang sumuko.