Nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan na magkaroon ng imbestigasyon ang senado kaugnay sa kontrobersyal na P389-milyong Manila Bay rehabilitation project.
Ani Pangilinan, sayang at hindi naman kailangan ang paglalagay ng dinurog na dolomite bilang white sand sa Manila Bay, lalo na at nasa gitna ngayon ng pandemyang COVID-19 ang bansa.
Aniya, napakaraming ibang dapat na pagkagastusan ang bansa gaya na lamang ng pag-ayuda sa mga naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad o di kaya ay tulong sa mga Pinoy na nawalan ng hanap-buhay dahil sa nararanasang pandemya.
Nais ding siyasatin ng senador ang posibleng epekto ng dolomite sand sa kalikasan at sa kalusugan ng publiko, maging ang maaaring pananagutan ng ilang opisyal ng gobyerno, o kung mayroong paglabag sa batas ang naturang hakbang.
Magugunitang ilang porsyento na ng P28-milyong halaga ng dolomite sand sa Manila Bay ang inanod sa dagat bunsod na rin ng malalakas na ulang dala ng mga nagdaang bagyo sa bansa.