Pormal nang aarangkada simula bukas, Disyembre 9, ang Manila-Cavite Ferry System na isa sa mga panibagong alternatibong paraan ng transportasyon.
Kaninang umaga, pinangunahan ng Department of Transportation (DOTr) at Maritime Industry Authority (Marina) ang pagpapasinaya sa nasabing sistema sa Cavite City Port Terminal.
Dahil dito, sinabi ng DOTr na mula sa dating mahigit 2 oras na biyahe by-land, aabutin na lamang ng isang oras ang biyahe mula Maynila patungo sa Cavite gamit ang nasabing ferry system.
Mula Cavite City Port Terminal sa Cavite City Hall, bibiyahe ang ferry patungong CCP port at liwasang bonifacio at pabalik.
Nakadepende naman sa ruta ang presyo ng pamasahe na naglalaro mula 160 hanggang 200 pesos para sa regular fare.
128 hanggang 160 pesos naman para sa mga estudyante, 114 hanggang 143 pesos naman para sa mga senior citizen at may kapansanan.
Habang nasa 80 hanggang 125 pesos ang pamasahe para sa mga batang nasa edad 4 hanggang 11 taong gulang.
Magsisimula ang biyahe, 6:00 ng umaga mula sa CCP port sa Maynila patungong Cavite City habang 6:50 naman ang huling biyahe sa gabi.
Mula naman sa Cavite City patungong Lawton, 5:15 ng umaga ang unang biyahe habang 7:45 naman ang huling biyahe sa gabi.
Dagdag pa ng DOTr, libre ang pamasahe para sa unang buwan ng pag-arangkada ng nasabing ferry system na tinawag din nilang water jeepneys.