Naghahanda na ang Manila City Government sa posibleng pagpapatupad ng lockdown sa Metro Manila para sagkaan ang posibleng pagkalat ng Delta variant ng Coronavirus.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, inalerto na niya ang Manila Disaster and Risk Reduction Management Office, Manila Barangay Bureau at Manila Police Department para ihanda ang puwersa ng mga ito sakaling ikasa ang Granular Lockdown.
Sinabi ni Moreno na nakipag-ugnayan na rin sila sa mga Director ng anim na District Hospital ng Lungsod ng Maynila COVID-19 Field Hospital at Manila Health Department sakaling magkaroon nang pagsirit ng COVID-19 cases kung saan ang active cases sa lungsod ay nasa 642.
Samantala, ipinabatid naman ni Makati City Mayor Abby Binay na magpapatupad ng Granular Lockdown ang City Government sa iba’t-ibang COVID-19 hotspots sa Lungsod kasunod nang pagtaas ng asymptomatic cases dito.
Inihayag ni Binay na pinaghahandaan na rin nila ang Delta variant sa pamamagitan nang pagtatayo ng isang field hospital at mamamahagi sila ng home care COVID-19 kits para sa mga nasa ilalim ng home quarantine.
Nakabili na aniya sila ng oxygen tanks at oxygenators.
Ang Makati ay nakapagtala naman ng 655 active cases ng COVID-19.