Binalaan ng Manila Department of Public Service o DPS ang mga residente ng lungsod laban sa nararanasang smog lalo sa umaga.
Ang smog ay dulot ng polusyon sa hangin mula sa mga sasakyan at pabrika.
Ayon kay DPS Director Kenneth Amurao, dapat mag-ingat sa smog partikular ang mga senior citizen, bata at may mga sakit lalo sa baga at puso.
Dakong alas-9 anya kahapon ng umaga ay napansing bumaba ang air quality index sa lungsod.
Inabisuhan naman ni Amurao ang publiko na huwag aalisin ang kanilang mga facemask lalo kapag nasa labas ng bahay upang maiwasan ang mga sakit na maaaring idulot ng smog.
Una nang itinanggi ng PHIVOLCS na ang nararanasang smog sa ilang bahagi ng metro manila ay nagmula sa Taal Volcano, sa Batangas.— Panulat ni Drew Nacino