Pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila ang mga deboto ng Poong Itim na Nazareno na panatiling malinis ang mga rutang dinadaanan ng Traslacion.
Ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno, mahigpit nilang ipatutupad ang kanilang ordinansa laban sa pagkakalat at maling pagtatapon ng basura.
Babala ni Moreno, hindi sila magdadalawang isip na dakpin ang mga debotong lalabag sa kanilang anti-littering ordinance.
Batay sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), pumalo sa 43 truck ng basura ang kanilang nahakot matapos ang Traslacion noong nakaraang taon.
Kabilang sa mga nakuhang basura ay mga plastic bags, bote ng tubig, disposable na baso at plato, mga lalagyan ng pagkain gawa sa styrofoam, upos ng sigarilyo at stick ng barbeque.