Muling nagsagawa ng targeted mass testing ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa ilang barangay sa Sampaloc ngayong araw, Biyernes, ika-8 ng Mayo.
Ayon sa Manila City Public Information Office, layunin nitong agad na matukoy ang mga kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lugar bilang hakbang na rin laban sa pagkalat ng nabanggit na sakit.
IKALAWANG MASS TESTING SA SAMPALOC: Muling magsasagawa ng targeted mass testing ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila, sa pangunguna ng Ospital ng Sampaloc, simula Biyernes, ika-8 ng Mayo upang agarang tukuyin ang mga kaso ng COVID-19 sa distrito.#AlertoManileno #COVID19PH pic.twitter.com/Nv7A26J1d0
— Manila Public Information Office (@ManilaPIO) May 7, 2020
Pinangunahan ng ospital ng Sampaloc ang isinagawang targeted mass testing sa covered court ng Barangay 435 na nagsimula kaninang alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.
Magugunitang una nang nagsagawa ng mass testing sa Sampaloc habang isinailalim ang distrito sa 48-hour noong Abril 23.
Batay sa pinakahuling tala ng Manila Public Information Office, umakyat na sa 811 ang kabuuang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan 118 dito ay mula sa Sampaloc.